19 January 2012
Kung naaalala mo si Gloria Diaz, dating Miss Universe na may pelikula noong 1975 na pinamagatang “Ang Pinakamagandang Hayop sa Balat ng Lupa”, medyo may edad ka na siguro para maging saksi sa yugyugan ng 70’s — panahon ng pinakamalapad na kwelyo, pinakamakintab na kasuotan at pinakamataas na takong sa history ng disco at fashion.
Bagama’t makulay, ang panahong ito ay itinuturing na isa sa pinakamadilim na kabanata sa ating kasaysayan; noon, nakagapos ang ating demokrasya, nakabusal ang media, at ang lahat ng sangay ng pamahalaan — kasama na ang hudikatura — ay kontrolado ng iisang tao.
Ngayon, malaya ang media sa kanilang pamamahayag; at ang Punong Mahistrado, ang pinakamataas na pinuno ng hudikatura, ay malayang magtalumpati, malayang magparatang, at malayang tawaging diktador ang isa sa mga pinakapopular na Pangulo ng Republika ng Pilipinas.
Ang episode ng programang XXX noong Lunes ay isang magandang halimbawa ng isang masiglang demokrasya. Sa interbyu ni Anthony Taberna kay Chief Justice Renato Corona, malayang nagpalitan ng kuru-kuro ang dalawa. Malinaw na panatag ang kalooban ng Punong Mahistrado, komportable at pangiti-ngiti, tulad ni Ginoong Taberna.
Inilahad ni CJ Corona ang kanyang sama ng loob sa kanyang mga kalaban, sa mga ulat na lumalabas tungkol sa kanyang mga ari-arian, sa pagdawit sa kanyang pamilya, at sa pag-ungkat sa kanyang makulay na nakaraan — bilang dating Chief of Staff, Spokesperson at Executive Secretary ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Nang marinig ko na tawagin ni CJ na “black propaganda” ang mga ulat tungkol sa mga mamahaling ari-arian ng kanyang pamilya, naalala ko ang mga pamilyang pinaratangang nagpayaman sa panahon ng nakaraang administrasyon, at ‘yung mga nagpayaman noong panahon ng Batas Militar, ang pinakamadilim na kabanata ng ating demokrasya.
You can view the full article here.



